NEWS AND EVENTS

Classes to start on June 1
Classes for school year 09-10
read more...

Thesis Defense
STI Thesis is on going ...
read more...

PUP Biñan
Intentions to host and facilitate the establishment of PUP
read more...

News Archive

ALAMIN ANG BATAS











Q:ANG MGA HUKUMAN.

A:
SEKSIYON 1. Dapat masalalay ang kapangyarihang Panghukuman sa isang Kataas-taasang Hukuman at sa mga nakabababang hukuman na maaaring itatag ng batas. Ang Pambansang Asamblea ay dapat na may kapangyarihang tumiyak, magtakda, at magbaha-bahagi ng saklaw ng iba-ibang hukuman, ngunit hindi maaaring alisan ang Kataas-taasang Hukuman ng saklaw sa mga kasong inisa-isa sa Seksiyon lima rito.
 
SEK. 2. (1) Ang Kataas-taasang hukuman ay dapat buuin ng isang Punong Mahistrado at labing-apat na Kasamang Mahistrado. Ito ay maaaring magpasiya en banc o sa dalawang dibisyon.

(2) Ang lahat ng kasong may kinalaman sa kaayunan sa Saligang-Batas ng ano mang treaty, executive agreement, o batas ay dapat dinggin at pagpasiyahan ng Kataas-taasang Hukuman en banc, at hindi maaaring ihayag na di-ayon sa Saligang-Batas ang ano mang treaty, executive agreement, o batas nang walang pagsang-ayon ng sampung Kagawad man lamang. Ang lahat ng iba pang mga kaso na sa ilalim ng mga tuntunin nito na kinakailangang marinig en banc ay dapat pagpasiyahan ng may pagsang-ayon ang walong Kagawad man lamang.

(3) Ang pasiya sa isang kasong dininig ng isang dibisyon ay mangangailangan ng pagsang-ayon ng limang Kagawad man lamang, ngunit kapag ang kailangang boto ay hindi nakuha, ang kaso ay dapat pagpasiyahan en banc; sa pasubali, na ang ano mang panuntunan o simulain ng batas na inilahad ng Hukuman sa isang pasiya na iginawad en banc o sa dibisyon ay hindi maaaring baguhin o baligtarin, maliban sa pagpapasiya ng Hukuman en banc.
 
SEK. 3. (1) Hindi dapat mahirang na Kagawad ng Kataas-taasang Hukuman ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong anak na mamamayan ng Pilipinas, apatnapung taon man lamang ang gulang, at sa loob ng sampung taon o higit pa ay naging hukom ng isang court of record o nagpraktis bilang abogado sa Pilipinas.

(2) Dapat magtakda ang Pambansang Asamblea ng mga katangian ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman, ngunit hindi maaaring mahirang na hukom ang sino mang tao, matangi kung siya ay katutubong anak na mamamayan ng Pilipinas at kabilang sa Philippine Bar.
 
SEK. 4. Dapat hirangin ng Prime Minister ang mga Kagawad ng Kataas-taasang Hukuman at mga hukom ng mga nakabababang hukuman.
 
SEK. 5. Dapat magtaglay ang Kataaa-taasang Hukuman ng sumusunod na mga kapangyarihan:

(1) Gumamit ng orihinal na saklaw sa mga kasong may kinalaman sa mga embahador, iba pang mga ministrong pambayan, at mga konsul, at sa mga petisyon sa certiorari, prohibition, mandamus, quo warranto, at habeas corpus.

(2) Baliksuriin at palitan, baliktarin, baguhin, o patibayin sa paghahabol o certiorari, ayon sa maaaring itadhana ng batas o ng Mga Tuntunin ng Hukuman, ang mga pangwakas na pagpapasiya at atas ng mga nakabababang hukuman sa-
(a) Lahat ng kaso na ang kaayunan sa Saligang-Batas o pagkakabisa ng ano mang treaty, executive agreement, batas, ordenansa, o kautusan o alituntuning tagapagpaganap ay pinagtatalunan.
(b) Lahat ng kaso na kinasasangkutan ng legalidad ng ano mang buwis, singil, tasasyon, o toll, o ano mang parusang ipinataw na kaugnay niyon.
(k) Lahat ng kaso na ang saklaw ng alin mang nakabababang hukuman ay pinagtatalunan.
(d) Lahat ng kasong kriminal na ang parusang ipinapataw ay kamatayan o pagkabilanggong habang buhay.
(e) Lahat ng kaso na pagkakamali o suliranin sa batas lamang ang nasasangkot.

(3) Magtalagang pansamantala ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman sa ibang lugar ayon sa maaaring kailanganin ng kapakanang pambayan. Ang gayong pansamantalang pagtatalaga ay hindi dapat lumampas sa anim na buwan nang walang pagsang-ayon ang kinauukulang hukom.

(4) Iutos ang pagbabago ng venue o lugar ng bista upang maiwasan ang pagkabigo ng pagpapairal ng katarungan.

(5) Maglagda ng mga tuntunin tungkol sa pleading, praktis, at pamamaraan sa lahat ng hukuman, ang pagtanggap sa praktis bilang abogado, at ang integrasyon ng Bar na, gayon man, ay maaaring mapawalang-bisa, mabago, o madagdagan ng Pambansang Asamblea. Ang gayong mga tuntunin ay dapat magtakda ng simple at di-magastos na pamamaraan ukol sa madaliang pagpapasiya ng mga kaso, maging magkakatulad sa lahat ng hukuman na magkakaantas at hindi magbabawas, magdaragdag, o magbabago ng mga karapatang makabuluhan.

(6) Humirang ng mga pinuno at mga empleado nito ayon sa Batas ng Serbisyo Sibil.
 
SEK. 6. Dapat magkaroon ang Kataas-taasang Hukuman ng superbisyong pampangasiwaan sa lahat ng hukuman at sa mga tauhan niyon.
 
SEK. 7. Dapat manungkulan ang mga Kagawad ng Kataas-taasang Hukuman at mga hukom ng mga mababang hukuman habang mabuti ang kanilang kaasalan hanggang sapitin nila ang gulang na animnapu't limang taon o mawalan ng kakayahan na magsagawa ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan. Dapat magkaroon ang Kataas-taasang Hukuman ng kapangyarihang disiplinahin ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman at, sa pamamagitan ng boto ng walo man lamang Kagawad, ay iutos ang kanilang pagkatiwalag.
 
SEK. 8. Ang mga pagpapasiya ng Kataas-taasang Hukuman sa ano mang kaso na iniharap dito upang pagpasiyahan en banc o sa dibisyon ay dapat mabuo sa pagsasanggunian bago italaga ang isang kaso sa isang Mahistrado upang sulatin ang opinyon ng Hukuman. Dapat maglahad ng mga katwiran sa kanyang pagsalungat ang sino mang Mahistrado na tutol sa isang pasiya. Dapat sundin ng lahat ng nakabababang hukuman na may magkakasamang hukom ang katulad ng pangangailangang ito.
 
SEK. 9. Ang bawat pasiya ng isang court of record ay dapat maglahad ng malinaw at di-maipagkakamaling mga pangyayari at ng batas na pinagbabatayan nito. Ang Mga Tuntunin ng Hukuman ay dapat sumaklaw sa paglalagda ng mga agarang pagpapasiya.
 
SEK. 10. Ang suweldo ng Punong Mahistrado at ng mga Kasamang Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman, at ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman ay dapat itakda ng batas na hindi mababawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan. Hangga't hindi itinatadhana ng Pambansang Asamblea ang naiiba, ang Punong Mahistrado ay dapat tumanggap ng suweldong pitumpu't limang libong piso isang taon, at ang bawat Kasamang Mahistrado, ng animanpung libong piso.
 
SEK. 11. (1) Mula sa pagkakabisa ng Saligang-Batas na ito, ang pinakamahabang panahon ng pagpapasiya o paglutas sa isang kaso o bagay na iniharap sa Kataas-taasang Hukuman ay labing-walong buwan mula sa petsa ng pagkakaharap nito, at matangi kung iklian ng Kataas-taasang Hukuman, labindalawang buwan sa lahat ng nakabababang hukumang may magkakasamang hukom, at tatlong buwan ang sa lahat ng iba pang nakabababang hukuman.

(2) Kung sa Kataas-taasang Hukuman at iba pang mga hukuman sa paghahabol na may magkakasamang hukom ay lumampas ang taning na panahon ng pagpapasiya at hindi nakababa ang kaukulang pagpapasiya pagkat hindi makuha ang kailangang boto, ang hatol, utos, o pagpapasiya na ipinaghabol ay dapat ituring na pinagtibay, maliban sa mga kasong higit sa mayorya ang kailangang boto, at sa mga paghahabol ng nagkasala sa kasong kriminal; at sa mga unang dulog ng aksiyong sibil na espesyal, at sa asunto sa habeas corpus, ang petisyon sa gayong mga kaso ay ituturing na walang saysay; at ang pagpapatunay sa gayong pangyayari na lalagdaan ng Punong Mahistrado ng Hukuman ay dapat igawad at ang isang sipi niyon ay ilalakip sa rekord ng kaso.
 
SEK. 12. Ang Kataas-taasang Hukuman, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagbubukas ng regular na sesyon ng Pambansang Asamblea, ay dapat magharap sa Pangulo, sa Prime Minister, at sa Pambansang Asamblea ng taunang ulat ng mga pagpapakilos at gawain ng Mga Hukuman.
 

Website Development by Gleent Innovative Technologies